MANILA, Philippines — Hindi na dapat kabahan ang San Miguel Beer-Alab Pilipinas.
Tiniyak kahapon ni team manager Charlie Dy ang muling paghawak ni Jimmy Alapag sa SMB-Alab bilang head coach.
“Yes, he’ll still coach the team next season,” wika ni Dy kay Alapag na naging susi sa title run ng Alab, ang ikatlong Philippine team na naghari sa ASEAN Basketball League (ABL).
Sa pamamahala ni Alapag ay tinalo ng Alab ang Mono Vampire Thailand sa Game Five ng kanilang ABL championship series.
Hindi maikakaila ang naitulong ni Alapag, dating team captain ng Gilas Pilipinas ni mentor Chot Reyes, sa Alab.
“Jimmy is inspirational. He’s a father, brother, friend and mentor to the players,” dagdag ni Dy kay Alapag.
Matapos ang malamyang panimula at pagpapalit ng mga imports bukod pa sa pagbitaw ng dating backer na Tanduay sa unang apat na laro ng season ay naging desperado si Alapag na makagawa ng himala.
Naging instrumento ang kanyang dating Gilas Pilipinas teammate na si LA Tenorio ng Barangay Ginebra sa pagkonekta sa Alab kay San Miguel Corp. sports director Alfrancis Chua.
Ang resulta nito ay ang pagiging team sponsor ng San Miguel Beer sa Alab.
“Jimmy was really the heart and soul of the team. He was the biggest reason of the team’s success,” sabi ni Dy.
Habang plantsado na ang pagbabalik ni Alapag sa Alab ay wala pang komento si Dy tungkol kina imports Renaldo Balkman at Justin Brownlee at reigning back-to-back local MVP Bobby Ray Parks.
Inaasahang maglalarong muli sina Balkman at Brownlee sa PBA, habang posible namang lumahok si Parks para sa darating na 2018 PBA Draft.
“We’re discuss it this coming week. Nothing is certain at present,” pagtatapos ni Dy.
Hinihintay na ng Ginebra si Brownlee sa kanilang kampanya sa 2018 PBA Commissioner’s Cup, samantalang maaaring kunin ng San Miguel si Balkman.