MANILA, Philippines — Nalagay ang Pilipinas sa tinatawag na ‘Group of Death’ sa 2019 Asian Football Confederation (AFC) Asian Cup matapos ang tournament draw na idinaos sa Dubai.
Kasama ng Pilipinas sa Group C ang China, Kyrgyz Republic at South Korea, habang nasa Group B ang nagdedepensang Australia, Syria, Palestine at Jordan.
Nakakuha ng tiket ang Philippine Azkals sa naturang torneo matapos talunin ang Fiji, 3-2, sa isang friendly match at ang Tajikistan, 2-1.
Nangunguna sa Group A ang United Arab Emirates kasama ang Thailand, India at Bahrain at nasa Group D ang Iran, Iraq, Vietnam at Yemen.
Ang Group E ay binubuo ng Saudi Arabia, Qatar, Lebanon at Korea at kinabibilangan ng Japan, Uzbekistan, Oman at Turkmenistan ang Group F.
Tinalo ng Australia ang Syria sa World Cup playoff noong Setyembre para umabante sa 2019 Asian Cup.
Ipinakilala ng AFC ang prize fund na $15 milyon para sa torneo kung saan ang magkakampeon ay tatanggap ng premyong $5 milyon, samantalang ang runners-up ay bibigyan ng $3 milyon.
Sisipa ang AFC Asian Cup sa Enero 5 at ang finals ay gagawin sa Pebrero 1.