PSI, PSL tinapos na ang gulo sa swimming
MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinuldukan ng Philippine Swimming Incorporated (PSI) at Philippine Swimming League (PSL) ang pagkakawatak-watak upang magkaroon ng magandang direksiyon ang swimming community sa bansa.
Nagkasundo sina PSI president Ral Rosario at PSL chief Susan Papa na magsanib-puwersa upang mabigyan ng oportunidad ang lahat ng swimmers na nagnanais na maging bahagi ng national team.
“I really believe that with Ral Rosario now leading the swimming in the country, will give us now the winning stage again. In addition, we are here to help bring swimming into the winning stage because right now, it is sinking,” ani Papa.
Naniniwala si Papa sa kakayahan ni Rosario na mapalakad ng maayos ang swimming sa bansa partikular na ang mga nasa grassroots level.
Sa katunayan, bubuksan ni Rosario ang pintuan ng PSI sa lahat ng swimmers na nagnanais lumahok sa anumang uri ng kumpetisyon at tryout na isasagawa ng asosasyon.
“We need to bring the community together, to work together. The issue between PSI and PSL has been a long-standing issue and I think its time to bring it to an end. We should do the unification for the benefit of swimmers and the benefit of the swimming community,” ani Rosario na sumabak sa Summer Olympics noong 1972 at 1976.
Partikular na tinututukan ng PSI ang gaganaping Southeast Asian Age-Group sa Hulyo na idaraos sa Pilipinas.
Sinabi ni Rosario na ang mga gold at silver medallists sa katatapos na Palarong Pambansa ay awtomatikong mapapasama sa koponang isasabak sa SEA Age-Group sa pangunguna ni Micaela Jasmine Mojdeh na humakot ng anim na ginto at isang pilak kalakip ang dalawang bagong rekord.
Winasak ni Mojdeh ang Palaro record sa 100m butterfly (1:06.1) at 200m individual medley (2:33.12) habang nakaginto rin ito sa 100m breaststroke, 50m butterfly, 4x100-meter medley relay at 4x50-meter medley relay at pilak sa 50m breaststroke.
Mismong si 1991 Southeast Asian Games multi-gold medallist Akiko Thompson ang nagsabi na malaki ang potensiyal ni Mojdeh na umangat sa international competitions partikular na sa SEAG, Asiad at Olympics.
- Latest