HOUSTON--Humataw si James Harden ng 41 points, 7 assists at 8 rebounds at kaagad nagtayo ang Rockets ng malaking kalamangan para kunin ang 110-96 panalo laban sa Utah Jazz sa Game One ng kanilang Western Conference best-of-seven semifinals series.
Itinayo ng Houston ang 25-point lead sa halftime mula sa pinagsamang 34 points nina Harden at Chris Paul.
Halata naman ang kapaguran ng Utah, isinara ang kailang first-round series ng Oklahoma City Thunder noong Biyernes, sa kabuuan ng laro.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Rockets kung saan naglista ng 10 points o higit pa ngayong postseason at pang-limang dikit na paggupo sa Jazz bitbit ang average na 16.8 points.
Nakahugot ang Utah ng tig-21 points kina rookie Donovan Mitchell at Jae Crowder at naglaro nang wala si starting point guard Ricky Rubio, may strained left hamstring, na nagtala ng mga averages na 14 points, 7.3 rebounds at 7 assists sa first round.
Ang slam dunk ni Rudy Gobert, nagposte ng 11 points at 9 rebounds, ang naglapit sa Jazz sa 77-89 agwat, ngunit nagsalpak naman si Harden ng three-point shot para muling ilayo ang Rockets sa 92-77 sa huling walong minuto ng fourth period.
Sa Cleveland, kumamada si LeBron James ng 45 points para banderahan ang Cavaliers sa 105-101 pagsibak sa Indiana Pacers sa Game Seven ng kanilang first-round playoffs series.
Ito ang ika-13 sunod na panalo ni James sa first round at inihatid ang Cleveland sa conference semifinals series laban sa Toronto Raptors.
Naglaro si James ng 43 minuto at pansamantalang nagtungo sa kanilang locker room sa third quarter dahil sa pamumulikat ng kanyang binti.
Nagdagdag naman si Tristan Thompson ng 15 points at 10 rebounds.