1 silver, 1 bronze uwi ng Pinoy Boxers

MANILA, Philippines — Uuwi ang national junior boxing team tangan ang isang pilak at isang tansong medalya mula sa 2018 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships na ginanap sa Indoor Stadium of Huamark sa Bangkok, Thailand. 

Nagkasya lamang sa pilak si Children of Asia gold medallist Criztian Pitt Laurente matapos yumuko kay Khalokov Abdumalik ng Uzbekistan sa championship round ng boys’ bantamweight 56 kg.

Maganda ang simula ni Laurente gamit ang mabibilis na kumbinasyon para bahagyang pabagalin ang Uzbek fighter.

Ilang malalakas na suntok pa ang naikonekta ni Laurente sa second round laban sa mas matangkad na karibal.

Subalit bigo ang Pinoy pug na pambato ng Ge­neral Santos City na makuha ang panalo matapos paboran ng mga hurado si Abdumalik makaraan ang tatlong yugtong bakbakan.

Nauna nang tinalo ni Laurente sina Reo Nishioka ng Japan sa first round, Ahmadi Hasibullah ng Afganistan sa second round, Bang Non ng Cambodia sa quarterfinals at Thakhui Noppharat ng Thailand sa semifinals.

Nakahirit naman ng tanso ang nakababatang kapatid ni Laurente na si Criz Russu sa boys’ light flyweight (46-49 kg.).

Sa kabila ng kabiguan, nakasiguro ang Lau­rente brothers ng tiket sa prestihi­yosong AIBA World Youth Championships na gaganapin sa Agosto sa Hungary.

Lalahukan ang world meet ng 244 boxers na nagkwalipika tampok ang 70 boxers mula Europe, 50 mula sa Asya, 38 mula Africa at 10 mula Oceania kasama ang limang slots na libreng ibinigay ng AIBA sa Hungary bilang host country.

Show comments