MANILA, Philippines — Matikas na iginupo ni Children of Asia gold medallist Criztian Pitt Laurente si Thakhui Noppharat ng Thailand upang umabante sa finals ng boys’ bantamweight 56 kg. kahapon sa 2018 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships na ginaganap sa Indoor Stadium of Huamark sa Bangkok, Thailand.
Maagang nagpakawala ng malulupit na kumbinasyon si Laurente para dominahin ang first round.
Makailang ulit na binigyan ng warning ng referee ang Thai bet matapos ang ilang kakaibang taktikang ginawa nito sa ikalawang kanto.
Hindi na hinayaan pa ni Laurente na humulagpos ang panalo nang muli itong maglunsad ng umaatikabong suntok sa third round na makailang ulit na tumama sa ulo at katawan ni Noppharat para tuluyang makuha ang panalo.
Makakasagupa ni Laurente sa finals ang magwawagi sa pagitan nina Zheksen Biibars ng Kazakhstan at Khalokov Abdumalik ng Uzbekistan.
Kung mananalo si Laurente sa finals, makasisikwat din ito ng tiket sa prestihiyosong 2018 Youth Olympic Games na gaganapin sa Buenos Aires, Argentina.
Si Laurente na lamang ang nag-iisang Pinoy boxer sa torneo.
Ito ay matapos matalo ang kanyang nakababatang kapatid na si Criz Russu laban sa isa pang hometown bet na si Panmod Thitisan ng Thailand sa boys’ light flyweight (46-49 kg.).
Nagawa ring makipagsabayan ni Criz Russu subalit hindi pumabor sa kanya ang mga hurado at tuluyang ibinigay ang panalo sa Thai fighter.
Gayunpaman, hindi uuwing luhaan si Criz Russu dahil tatanggap ito ng tansong medalya sa kanyang pagpasok sa semis.