MANILA, Philippines — Halos apat na araw namalagi sa ospital si import Arinze Onuaku.
Ngunit hindi ito nakita sa kanyang hinakot na 30 points, 19 rebounds at 4 blocks para tulungan ang Meralco sa 116-103 paggupo sa Columbian Dyip sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
“Hats off to Arinze. He’s been sick,” sabi ni Bolts head coach Norman Black sa 2016 PBA Best Import. “I was happy with his performance. He gives us what we lacked.”
Nadiskaril naman ang hangad na dalawang sunod na ratsada ng Dyip, nagmula sa 126-98 paggiba sa Blackwater Elite noong Linggo.
Nag-ambag si Chris Newsome ng 18 points para sa Meralco kasunod ang 13, 12 at 11 markers nina Nico Salva, Canaleta at Dillinger, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor naman si import CJ Aiken ng 21 points para sa Columbian, nakahugot ng tig-16 markers kina Carlo Lastimosa at Rashawn McCarthy.
Tumapos si Jerramy King na may 12 points makaraang kumamada ng 30 markers sa panalo ng Dyip laban sa Elite.
Bumangon ang Meralco mula sa 10-point deficit, 31-41, sa 8:32 minuto ng second period para ilista ang 85-79 bentahe sa Columbian sa gitna ng third period.
Ang three-point shot ni Canaleta ang nagbigay sa Bolts ng 11-point lead, 101-90, sa 6:02 minuto ng final canto .