MANILA, Philippines — Puntirya ng dalawang bagitong Pinoy pugs na makahirit ng tiket sa finals sa 2018 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships sa Indoor Stadium of Huamark sa Bangkok, Thailand.
Susuntok ang magkapatid na sina Children of Asia gold medallist Criztian Pitt Laurente at Criz Russu Laurente sa kani-kanilang semis matches.
Kinakailangan ng Laurente brothers na ibuhos ang lahat ng alas dahil makakalaban ng dalawa ang hometown bets.
Titipanin ni Criztian Pitt si Thakhui Noppharat ng Thailand sa boys’ bantamweight (56 kg.) division at sasagupain ni Criz Russu si Panmod Thitisan sa boys’ light flyweight (46-49 kg.).
Galing si Criztian Pitt sa first-round referee-stopped contest win kay Bang Non ng Cambodia, habang tinalo naman ni Criz Russu si Shagolshem Barun Singh ng India via 4-1 unanimous decision win.
Sa pagpasok sa semis ay nakasisiguro na sina Criztian Pitt at Criz Russu ng tansong medalya.
Bigo namang umusad si Milenino Anduyan nang matalo kay Kholmurodov Samandar ng Uzbekistan sa quarterfinals ng boys’ flyweight (52 kg.). (CCo)