2 Pinoy boxers susuntok sa semis

MANILA, Philippines — Dalawang Pinoy boxers ang umusad sa semifinals matapos magrehistro ng matikas na panalo laban sa kani-kanilang karibal kahapon sa pagpapatuloy ng 2018 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships na ginaganap sa Indoor Stadium of Huamark sa Bangkok, Thailand. 

Nagningning ang magkapatid na sina Children of Asia gold medallist Criztian Pitt  at Criz Russu Laurente na pareho nang nakasisiguro ng tansong medalya dahil sa pagpasok sa semis.

Nairehistro ni Criztian Pitt ang pinakamalaking panalo sa torneo nang payukuin nito si Bang Non ng Cambodia sa pamamagitan ng first-round referee-stopped contest sa boys’ bantamweight (56 kg.) division.

Maagang naglunsad ng lakas si Criztian Pitt nang pakawalan nito ang solidong kumbinasyon dahilan upang bigyan ng standing eight count ang Cambodian fighter.

Nagawa pang makapagpatuloy ni Non sa unang pagkakataon.

Subalit muling pinakawalan ni Criztian Pitt ang isa pang umaatikabong straight na tumama sa nguso ng kanyang karibal para tuluyang makuha ang panalo.

Makakalaban ni Criztian Pitt sa semis ang magwawagi sa pagitan nina Hong Il Gwan ng North Korea at Thakhui Noppharat ng Thailand sa event na may nakalaang tiket para sa prestihiyosong 2018 Youth Olympic Games na gaganapin sa Buenos Aires, Argentina.

Sa kabilang banda, matapos magtala ng referee-stopped-contest sa second round, nakuha naman ni Criz Russu ang unanimous decision win kontra kay Shagolshem Barun Singh ng India sa boys’ light flyweight (46-49 kg.). 

Show comments