MANILA, Philippines — Pare-parehong nagtala ng impresibong panalo ang tatlong bagitong Pinoy boxers upang umabante sa quarterfinals ng 2018 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships na ginaganap sa Indoor Stadium of Huamark sa Bangkok, Thailand.
Gumawa ng ingay si Criz Russu Laurente nang itarak nito ang referee-stopped-contest laban kay Yhlas Lylychjanov ng Turkmenistan sa boys’ light flyweight (46-49 kg.).
Hawak ni Laurente ang 20-18, 20-18, 19-19, 19-19, 18-20 iskor sa pagtatapos ng second round ngunit agad nitong tinapos ang laban nang magpakawala ito ng malulupit na kumbinasyon sa third round para makuha ang panalo.
Susuntok si Laurente ng silya sa semis sa pakikipagtuos kay Shagolshem Barun Singh ng India na nagsumite naman ng 4-1 desisyon laban kay Chuluunbat Uugankhuu ng Mongolia.
Nakahirit din ng tiket sa quarterfinals sina Children of Asia gold medallist Criztian Pitt Laurente sa boys’ bantamweight (56 kg.) division at Milenino Anduyan laban sa boys’ flyweight (52 kg.) category.
Namayani si Criztian Pitt kay Ahmadi Hasibullah ng Afghanistan sa pamamagitan ng kumbinsidong 5-0 unanimous decision win (30-27, 30-27, 29-27, 30-26, 30-26) habang nagrehistro rin ng 5-0 win (29-28, 29-28, 29-28, 29-28, 29-28) si Anduyan kay Jung Jihoon ng South Korea.
Makakalaban ni Criztian Pitt sa quarterfinals si Bang Non ng Cambodia na nakalusot kay Manichan Siphae ng Laos, 3-2 (29-28, 30-27, 29-28, 28-29, 28-29) samantalang haharapin ni Anduyan si Kholmurodov Samandar ng Uzbekistan na nanalo kay Han Jin Chol ng North Korea, 5-0 (30-27, 30-27, 30-7, 30-26, 30-26).