MANILA, Philippines — Napigilan ng nagdedepensang De La Salle University ang mabagsik na hamon ng National University, 27-25, 25-22, 25-11 upang masikwat ang huling tiket sa finals ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lumabas ang tapang ng Lady Spikers nang dominahin nito ang attack line tangan ang 42 kills laban sa 29 lamang ng Lady Bulldogs. Naging armas din ng La Salle ang matutulis na services nito para makapagrehistro ng 11 aces.
“Yung start namin medyo tight ang mga players. Sabi ko lang na huwag nila ilimit yung kaya nating gawin. Kung naka-box ang sarili natin, kailangan nating lumabas sa box,” ani La Salle coach Ramil de Jesus.
Pinangunahan ni Kim Kianna Dy ang ratsada ng La Salle subalit nagbigay din ng sapat na suporta sa opensa sina Tin Tiamzon, Aduke Ogunsanya at reigning MVP Majoy Baron habang minanduhan ni libero Dawn Macandili ang floor defense para tulungan si setter Michelle Cobb na makagawa ng solidong plays.
Nagtala si Macandili ng 23 excellent digs at 10 successful receptions.
Mapait na tinapos nina Jaja Santiago, Aiko Urdas at Gayle Valdez ang kanilang collegiate career para sa Lady Bulldogs.
Sa finals, titipanin ng La Salle ang Far Eastern University na nauna nang umusad matapos pabagsakin ang Ateneo, 25-20, 25-21, 14-25, 25-19 sa hiwalay na semis game noong Sabado.
Sa men’s division, napaamo ng NU ang University of Santo Tomas, 25-13, 25-13, 31-29 para hablutin ang unang tiket sa finals.
Umariba ng husto ang Bulldogs sa likod ni national mainstay Bryan Bagunas na pumalo ng career-high 29 points buhat sa 24 attacks, tatlong aces at dalawang blocks.
“Lahat kami ibinuhos na namin ang lahat dahil gusto talaga naming makapasok sa finals at mag-champion ulit,” ani Bagunas.
Ito ang ikaanim na sunod na finals appearance ng Bulldogs.
Makakaharap ng NU sa best-of-three championship showdown ang magwawagi sa pagitan ng Far Eastern University at nagdedepensang Ateneo de Manila University sa do-or-die semis game sa Miyerkules.