MANILA, Philippines — Apat na sunod na panalo ang inirehistro ni dating world champion Dennis Orcollo upang umusad sa semifinals ng 2018 World Pool Series - Aramith 9-Ball Players Championship na ginaganap sa Steinway Cafe-Billiards sa Astoria, New York.
Kinailangan ni Orcollo na malusutan si John Morra ng Canada sa bendisyon ng 13-12 panalo sa quarterfinals para makahirit ng puwesto sa Final Four.
Naitakas ni Orcollo ang panalo sa kabila ng panlalabo ng kanyang mata.
“My goal was to win the match because I was really hoping to not go to a shootout because I’m not really shooting well today. I just stayed focused and tried to make a ball when it was my turn and finally I made one,” wika ni Orcollo sa panayam na nakapaskil sa official website ng torneo.
Makakatipan ni Orcollo sa semis si Denis Grabe ng Estonia na nagtala ng 13-3 demolisyon kay Petri Makkonen ng Finland.
Kabilang sa mga pinataob ni Orcollo sina Tommy Najar ng Amerika sa first round (11-4), Joey Korsiak ng Amerika sa second round (11-2) at kababayang si Lee Vann Corteza sa third round (11-6).
Sa kabilang banda, tuluyan nang nasibak sina Corteza at Ronnie Alcano matapos lumasap ng dalawang kabiguan sa torneong nagpapatupad ng double-elimination format.
Parehong nahulog sa losers’ bracket sina Corteza at Alcano.