Dasmariñas umiskor ng knockout
MANILA, Philippines — Isama na ang pangalan ni Michael Dasmariñas kay Jerwin Ancajas bilang world boxing champion ng Pilipinas.
Pinatumba ni Dasmariñas si Karim Guerfi ng France sa fourth round para angkinin ang bakanteng International Boxing Organization bantamweight title sa harap ng 4,000 fans sa Singapore Indoor Stadium noong Biyernes sa Singapore.
Nagpakawala si Dasmariñas (28-2-0, 19 KOs) ng isang mabigat na left hook na dumapo sa panga ni Guerfi (26-4-0, 8 KOs) na nagresulta sa agarang pagbagsak ng French boxer sa canvass.
Nagpumilit pang tumayo si Guerfi bago tuluyang gumulong na sumelyo sa KO victory ni Dasmariñas.
Mas naging maingat ang 25-anyos na si Dasmariñas sa laban hanggang makasilip ng tsansang mapatumba ang 31-anyos na si Guerfi sa fourth round.
Si Dasmariñas, tubong Pili, Camarines Sur, ang ikalawang Pinoy world boxing titlist matapos si Jerwin Ancajas (29-1-1, 20 KOs).
Nakatakdang labanan ni Ancajas si Cebuano challanger Jonas Sultan (14-3-0, 9 KOs) para sa kanyang pang-limang sunod na pagtatanggol sa kanyang IBF super flyweight belt sa Mayo 26.
Kamakailan naman ay isinuko ng 35-anyos na si Donnie ‘Ahas’ Nietes (41-1-4, 23 KOs) ang kanyang IBF flyweight belt para lumaban sa bakanteng WBO super flyweight title.
- Latest