MANILA, Philippines — Nalusutan ng La Salle ang hamon ng University of the Philippines, 82-79 upang masungkit ang pambuenamanong panalo sa 12th Filoil Flying V Premier Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumandera sa panalo ng Green Archers si slotman Justine Baltazar nang kumana ito ng 16 puntos kasama ang anim na rebounds at tatlong assists habang nakakuha ito ng solidong suporta mula kay Santi Santillan para hablutin ng kanilang tropa ang panalo.
Malaki rin ang kontribusyon nina Taane Samuel at Brandon Bates sa kanilang unang pagsalang bilang Green Archers at magarbong bigyan ng unang panalo ang bagong La Salle mentor na si Louie Gonzalez.
Nagrehistro si Samuel ng 12 markers samantalang nagdagdag naman si Santillan at Bates ng parehong siyam na puntos gayundin sina Andrei Caracut at Aljun Melecio na may pinagsamang 19 points para sa La Salle.
Bagsak ang Fighting Maroons sa 0-1 baraha.
Nangibabaw para sa UP si Juan Gomez De Liaño na may 21 puntos katuwang si Diego Dario na naglista naman ng 16 puntos.
Sa kanyang unang laro bilang Maroon, nakalikom si Bright Akhuetie ng 12 markers.