SAN ANTONIO — Kumolekta si Kevin Durant ng 26 points, 9 rebounds at 6 assists para banderahan ang Golden State Warriors sa 110-97 panalo laban sa Spurs at kunin ang 3-0 lead sa kanilang first-round playoff series.
Nagluluksa ang San Antonio dahil sa pagkamatay ng asawa ni head coach Gregg Popovich na si Erin.
Maaari nang tapusin ng Golden State ang kanilang serye sa panalo sa Game Four sa Lunes (Manila time) sa San Antonio.
Apat na dekadang kasal sina Erin at Gregg Popovich at may dalawang anak at dalawang apo.
Hindi gumawa ng video tribute o anumang moment of silence ang Spurs para kay Erin para maging ordinaryo ang laro ng mga players.
Si San Antonio assistant Ettore Messina ang pansamantalang pumalit kay Popovich.
Sa New Orleans, tumipa si Nikola Mirotic ng career playoff-best 30 points bukod pa ang 8 rebounds, 3 steals at 1 block para pamunuan ang Pelicans sa 119-102 paggupo sa Portland Trail Blazers at ilista ang 3-0 lead sa kanilang first-round playoff series.
Humakot naman si Anthony Davis ng 28 points, 11 rebounds, 3 steals at 2 blocks bago nagkaroon ng masamang bagsak sa gitna ng fourth quarter para sa New Orleans.
Makakaabante ang Pelicans sa second round matapos noong 2008 kung muling mananalo sa Blazers sa Game Four sa Linggo (Manila time).
Sa Miami, kumamada ang nakamaskarang si Joel Embiid ng 23 points sa kanyang postseason debut habang nagdagdag sina Marco Belinelli at Dario Saric ng tig-21 markers para akayin ang Philadelphia 76ers sa 128-108 paggupo sa Heat at kunin ang 2-1 lead sa kanilang Eastern Conference first-round series.