Tatapusin agad ng Lady Tams
Laro Ngayon (MOA Arena)
2 p.m.FEU vs Ateneo (Men Semis)
4 p.m. FEU vs Ateneo (Women Semis)
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ng Far Eastern University ang lakas nito upang masikwat ang unang silya sa finals ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament.
Subalit hindi ito magiging madali para sa FEU dahil daraan ito sa butas ng karayom laban sa mapanganib na Ateneo de Manila University ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lalarga ang salpukan ng Lady Tamaraws at Lady Eagles sa alas-4 kung saan bitbit ng FEU ang twice-to-beat advantage.
Nakuha ng FEU ang No. 2 seed matapos kumulekta ng 10-4 rekord sa pagtatapos ng eliminasyon.
Nanguna ang nagdedepensang De La Salle University na pumana ng 12-2 kartada habang bagsak sa No. 3 ang Ateneo taglay ang 9-5 baraha matapos matalo sa La Salle sa huling araw ng eliminasyon.
Nais ng Lady Tamaraws na tuldukan ang kanilang 10 taong pagkauhaw sa titulo.
Ang FEU ang winningest team sa liga tangan ang 29 korona.
“Kahit noon pa naman kasi, ang volleyball ay FEU-UST sa babae. So gusto lang namin ibalik. Unang-una, ang pressure dapat, sa mga players kasi 30, tapos kami pa yung host. So yung pagkakataon na yun, yun ang ayaw naming pakawalan. Yung 30th (title) tapos, kami pa yung host, tapos (Season) 80,” wika ni FEU mentor George Pascua.
Pangungunahan ni Bernadeth Pons ang opensa at depensa ng Lady Tamaraws. Kasalukuyang No. 4 ito sa scoring department at No. 3 sa digs at receive.
Hawak naman ng Ateneo ang mantrang ‘heart strong’ kaya’t gagawin nito ang lahat upang maipuwersa ang rubber match.
Matikas ang laro ni Kat Tolentino sa kanilang huling asignatura subalit kailangan nito ng solidong suporta mula kay ace spiker Jhoana Maraguinot na nalimitahan ang produksiyon kontra sa La Salle.
Kailangan din ng solidong koneksiyon nina middle blockers Maddie Madayag at Bea De Leon, playmaker Deanna Wong at libero Ponggay Gaston para makabuo ng quick plays.
Sa men’s division, puntirya rin ng twice-to-beat holder Tamaraws na makuha ang unang silya sa final sa pagsagupa nito sa Blue Eagles sa alas-2 ng hapon.
- Latest