Ginebra pinalitan si Edwards

Laro Bukas(Smart Araneta Coliseum)

4:30 p.m.  Blackwater vs  Columbian Dyip (Kia)

6:45 p.m. TNT Katropa vs Globalport

MANILA, Philippines — Wala pang katiyakan kung kailan makakabalik sa hardcourt si Barangay Ginebra seven-foot center Greg Slaughter dahil sa kanyang left ankle injury.

Kaya naman nagdesisyon si head coach Tim Cone na palitan si standby import Shane Edwards at kumuha ng mas malaking reinforcement para makatulong sa kampanya ng Gin Kings sa 2018 PBA Commissioner’s Cup na magsisimula bukas sa Smart Araneta Coliseum.

Ipaparada ng Ginebra ang 6-foot-10 at 230-pounder na si Charles Garcia para palitan ang 6’8 na si Edwards, dating naglaro para sa Alaska.

Nagpalit din ng kanilang reinforcement ang NLEX sa katauhan ni Jamaican big man Adrian Forbes habang hinihintay ang pagdating ni dating NBA player Arnett Moultrie na kasalukuyang naglalaro sa Bahrain.

Hindi napili si Garcia noong 2010 NBA Draft at nagdesisyong maglaro sa Turkey at kaagad dumiretso sa NBA Development League para maging sentro ng Utah Flash.

Matapos sa NBA D-League ay nagtungo ang 29-anyos na si Garcia sa Mexico para maglaro sa Potros ITSON hanggang Enero ng 2011.

Nagbalik siya sa NBA D-League noong Abril ng 2011 para maging mi­yembro ng Iowa Energy bago lumipat sa Sioux Falls Skyforce at sa Fort Wayne Mad Ants.

Huling naglaro ang pro­dukto ng Riverside City College at Seattle University para sa Austin Spurs sa NBA D-League noong 2016-17 season.

Bukod kay Garcia, ang iba pang bagong imports na mapapanood sa 2018 PBA Commisisoner’s Cup ay sina Troy Gillenwater ng nagdedepensang San Miguel, Antonio Campbell ng Alaska, Arnett Moultrie ng NLEX, CJ Aiken ng Columbian Dyip, dating Kia, at Reggie Johnson ng Rain or Shine.

Muli namang kakampanya sina Arinze Onuaku (Meralco), Malcolm White (Globalport), Jarrid Famous (Blackwater), James White (Phoenix) at Vernon M­acklin (Magnolia).

Show comments