MANILA, Philippines — Sisimulan ng Gilas Cadets ang kampanya nito sa pagharap sa reigning UAAP champion Ateneo sa paglarga ngayon ng 12th Filoil Flying V Premier Cup sa The Arena sa San Juan City.
Sasambulat ang duwelo ng Gilas cadets at Blue Eagles sa alas-6:30 ng gabi habang maghaharap naman sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ang La Salle at University of the Philippines.
Nasa Group A ang Gilas cadets kasama ang Ateneo, La Salle, UP, Mapua, Emilio Aguinaldo College, San Beda, University of Perpetual Help, NU at University of the East.
Maglalaban naman sa Group B ang Adamson, Arellano, Letran, College of Saint Benilde, Far Eastern University, Jose Rizal University, Lyceum, San Sebastian at University of Santo Tomas.
Pangungunahan nina Kobe Paras at Ricci Rivero ang Batang Gilas kasama sina dating La Salle stars Abu Tratter at Prince Rivero, dating Ateneo Blue Eagle Vince Tolentino at dating National University gunner JJ Alejandro gayundin sina Arvin Tolentino, Ken Tuffin, Paul Desiderio, Will Gozum at Robert Bolick.
Aariba naman sa panig ng Blue Eagles sina Thirdy Ravena, Matt Nieto, Mike Nieto, Anton Asistio, Isaac Go, Raffy Verano, Jolo Mendoza, Aaron Black, Gian Mamuyac, Tyler Tio, Troy Mallilin, BJ Andrade at Jawuan White.
Papasok din sa lineup ng Ateneo sina SJ Belangel, Jason Credo, RV Berjay, 6’4” Fil-Kiwi Pat Maagdenberg, dating De La Salle Zobel Junior Archer Gabe Natividad, 6’10 Angelo Kouame at Fil-Canadian Matthew Daves.
Ang apat na mangungunang koponan sa bawat grupo ang uusad sa quarterfinal stage.