VIGAN, Ilocos Sur, Philippines (via STI) — Kumawala na ang National Capital Region dalawang araw bago ang pagtatapos ng 60th Palarong Pambansa kahapon dito sa President Elpidio Quirino Stadium.
Kumolekta ang mga NCR athetes ng 42 gold, 34 silver at 20 bronze medals para palakasin ang kanilang tsansa sa pag-angkin sa pang-15 sunod na overall championship simula noong 1996 sa South Cotabato.
Binanderahan ni Micaela Jasmine Mojdeh ang pananalasa ng NCR sa swimming pool matapos kunin ang kanyang pang-limang gintong medalya sa girls’ 12-under 100m butterfly sa bagong record na 1:06.07 para ibasura ang 1:06.91 ni Camille Buico noong 2015.
Nauna nang binura ng 12-anyos na PSL star tanker ang 2015 mark na 2:33.71 ni Raven Faith Alcoseba para itayo ang bagong 2:33.12 sa girls’ 12-under 200m IM noong Miyerkules.
Nagbulsa rin ng ginto si Mojdeh sa 50m butterfly, 200m medley relay at 400m medley relay events.
“I am so happy to have broken the record and lowered my time,” sabi ng pambato ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque. “Thank you coach Susan (Papa) for always guiding me through all my experiences in swimming and also to coach Alex Papa and SPSA team for training me well and the entire PSL family for all the support you have given me.”
Dalawang gold medal naman ang idinagdag ni Philip Joaquin Santos para sa NCR sa boys’ 13-17 800m freestyle (8:58.51) at 200m backstroke (2:12.10).
Nakasingit ng ginto sina Samantha Corpuz ng Region I (girls’ 12-under 400m freestyle), Juliana Villanueva ng Region VI (girls’ 13-17 800m freestyle, Trizie Ortiguerra ng Region III (girls’ 12-under 50m backstroke) at Jalil Taguinod ng Region II (boys’ 12-under 50m backstroke).
Binasag ni Corpuz ang 2017 mark na 4:47.70 ni Thea Canda para ilista ang bagong record na 4:43.53.
Sa athletics, sumira ng record si Eliza Cuyom ng Region IV-A matapos magtala ng bagong 14.50 segundo para kunin ang ginto sa secondary girls’ 100m hurdles.
Binura ng 17-anyos na si Cuyom ang ipinoste niyang 14.73 segundo sa trials kung saan niya ibinasura ang national juniors’ hand time record na 15 segundo ni Julie Rose Forbes noong 2000 National Open at ang 22-year-old mark ni Michelle Patasha sa General Santos City.
Bumasag din ng marka si Jessel Lumapas ng Region IV-A sa itinalang 56.28 segundo para itakbo ang ginto sa secondary girls’ 400m para lampasan ang 2011 mark na 57.33 segundo ni Jennie Rose Rosales.
Sa rhythmic gymnastics, kumuha ng apat na ginto si Daniella Reggie Dela Pisa ng Region VII sa secondary girls’ rope, hoop, ball at all-around events.