VIGAN, Ilocos Sur Philippines —(via STI) - Nagsimula nang magparamdam ng kanilang dominasyon ang National Capital Region habang dalawang lumang-lumang records ang binasag nina Eliza Cuyom ng Region IV-A at Kasandra Hazel Alcantara ng Big City athletes sa track and field event ng 2018 Palarong Pambansa kahapon dito sa President Elpidio Quirino Stadium.
Nagsumite ng bagong record si Samantha Therese Coronel para pangunahan ang NCR sa paglangoy sa pitong gold medals sa swimming event.
Itinala ni Coronel ang bagong record na 1:06.58 sa girls’ 13-17 100m backstroke para itapon ang 1:07.12 marka ni Nicole Pamintuan noong 2017.
Bukod kay Coronel ang iba pang NCR tankers na kumuha ng ginto ay sina Michaela Jasmine Mojdeh (elementary girls 50m butterfly), Keane Cedric Ting (secondary boys’ 400m freestyle), Gwyneth Cawaling (secondary girls’ 400m freestyle), Jerard Jacinto (secondary boys’ backstroke), Arbeen Thruelen elementary boys’ 50m butterfly) at Althea Baluyot (secondary girls’ 200m butterfly).
Sumingit ng gold medal sina Samantha Jhunace Corpuz ng Region I (girls’ 12-under 200m freestyle) at Julius Glen Vasquez ng Region V (boys’ 12-under 200m freestyle).
Isang 11-anyos na incoming Grade 6 student naman ang bumandera sa limang events ng arnis at ibinigay ng isang long distance walker ang unang ginto ng host province.
Nagtala ang 17-anyos na si Cuyom ng bilis na 14.73 segundo sa morning trials ng secondary girls 100m run para basagin ang national junior girls record na 15 segundo na itinala ni Julie Rose Forbes noong 2000 National Open.
Sinira rin ni Cuyom ang 14.9 segundo ni Michelle Patasha ng Zamboanga City 22 taon na ang nakakalipas sa General Santos City.
Naghagis naman si Alcantara, isang graduating Grade 12 student sa University of the East, ng 11.88m para kunin ang ginto sa secondary girls’ shot put at ungusan ang 11.20m ni NCR bet Marites Barios ng Zamboanga City noong 1992.
Samantala, ibinasura ni Veruel Verdadero ng Region IV-A ang dating markang 10.75 segundo ni Feberoy Kasi ng Region XII sa secondary boys’ 100m run sa kanyang bagong 10.65 segundo sa preliminary.
Sa arnis, inangkin ni Princes Sheryl Valdez ng Region XII ang limang ginto sa anyo event individual single at double weapon, anyo event team solo baston, mixed event double weapon at espada y daga.
Inialay naman ni Francis James San Gabriel sa Region I ang kauna-unahan nitong gold nang sirain ang dating record 10:11.3 ni Bryan Oxales ng NCR noong 2017 para iposte ang bagong 9:33.01 sa secondary boys’ 2,000m walk.
Ang iba pang nanalo ng ginto sa elementary level ay sina Krisleen Shane Santiago ng Region IV-A sa girls’ long jump (4.83m) at Rashied Faith Burdeos ng Region II sa girls’ shot put (10.13m).