SMB-Alab Pilipinas pasok sa Finals
MANILA, Philippines — Makaraan ang 2013, may isang Filipino team na naman ang pumasok sa best-of-five championship series ng 2018 ASEAN Basketball League.
Ito ay nangyari matapos tanggalan ng korona ng San Miguel-Alab Pilipinas ang nagdedepensang Hong Kong Eastern Lions, 79-72 upang walisin ang kanilang best-of-three semifinal series, 2-0 noong Linggo ng gabi sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Sta. Rosa Laguna.
Kaya tiyak na sa season na ito ay magkakaroon na ng panibagong kampeon, ngunit maghihintay pa ang Pinoy squad ng makakalaban dahil maghaharap pa ang Mono Vampire Thailand at Chong Son Kungfu China sa Game 2 ng kanilang semis series sa Miyerkules sa home court ng mga Thais.
Nangunguna ang Mono Vampire sa serye sa pamamagitan ng kanilang 103-94 panalo noong Abril 11 para sa 1-0 bentahe.
Ang huling Filipino team na pumasok sa finals ay ang San Miguel Beer sa pangunguna nina Asi Taulava at June Mar Fajardo noong 2013 kung saan winalis nila ang Indonesia Warriors.
- Latest