MANILA, Philippines — Hangad ng top seed Batangas Athletics na tapusin na ang best-of-five championship series sa kanilang muling pakikipaglaban sa third seed Muntinlupa sa Game 3 ng inaugural staging ng Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Rajah Cup sa Muntinlupa City Sports Complex.
Matapos lumamang ng malaking 2-0 bentahe, tangan ng Athletics ang momentum kaya malakas ang kanilang tiwala na makukuha na ang kauna-unahang titulo sa home and away league.
Isang panalo na lang ang kailangan ng tropa ni coach Mac Tan para masungkit ang top prize na P1 milyon at 24-inch trophy sa torneo mula kay MPBL founder Sen. Manny Pacquiao habang ang runner-up ay tatanggap ng mahigit P500,000.
“I told my players not to be complacent despite our 2-0 lead. Hindi pa tapos ang laban, it needs three games to win the title. Kaya kailangang we have to maintain the fire,” sabi ni coach Tan ng Batangas.
Nagwagi ang Batangas kontra sa Muntinlupa, 78-74 sa Game 1 noong Abril 12 at sinundan ng 78-74 panalo sa Game 2 noong Sabado sa kanilang homecourt mismo.