Pinoy jins sisipa sa Wuxi World Grand Slam C’ships

MANILA, Philippines — Ipaparada ng Pilipinas ang anim na matitikas na taekwondo jins sa open qualification tournament para sa 2018 World Taekwondo Grand Slam Championships na nakatakda sa Abril 20 hanggang 22 sa Wuxi, China.

Pangungunahan ni Southeast Asian Games gold medalist at Summer World University Games silver winner Samuel Thomas Harper Morrison (men’s -80kg.) ang pambansang delegasyon na suportado ng Smart/MVP Sports Foundation.

Makakasama ni Morrison sa torneong lalahukan ng 59 bansa sina Malaysia SEA Games silver medallist Arven Alcantara (-68kg) at Francis Aaron Agojo (-58kg) sa men’s division.

Magtatangka namang sumipa ng medalya sa wo­men’s class sina Baby Jessica Canabal (-49kg), Pauline Louise Lopez (-57kg) at Darlene Mae Arpon (-67kg).

Gagabayan ang tropa nina head coach Dindo Simpao at assistant coach Carlos Jose Padilla V.

Ayon kay Philippine Taekwondo Association Secretary General Monsour Del Rosario, ang pagsabak ng mga Pinoy jins sa torneo ay bahagi ng paghahanda nito para sa dalawang malalaking international events sa taong ito – ang Asian Taekwondo Championships sa Ho Chih Minh, Vietnam sa Mayo at sa 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia sa Agosto.

“Our entries vow to do their best against fighters from the other participating countries like Korea, France, Spain, Iran, Turkey, Chinese Taipei and the United States,” ani  Del Rosario na dating multi-titled international campaigner.

Suportado ang Wuxi-bound Filipino squad ng PLDT, Meralco, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.

Show comments