Rivero susubok sa Gilas cadets

MANILA, Philippines — Sesentro muna ang atensiyon ni Ricci Rivero sa Gilas cadets na inihahanda ng Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa 2023 FIBA World Cup na gaganapin sa bansa.

Matapos ihayag ang kanyang paglisan sa De La Salle University men’s basketball team, nais ni Rivero na ibuhos ang kanyang oras sa national team.

‘For now, ang focus ko ‘yung national team. We need to be at our best since we are representing our country,” wika ni Rivero.

Dumalo si Rivero sa training ng Gilas cadets sa Meralco Gym kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si Prince.

Wala pang pinal na desisyon si Prince kung gagamitin nito ang kanyang huling playing year sa La Salle ngunit may mga opsiyon itong pinag-aaralan.

Kung hindi na ito maglalaro para sa Green Archers, posibleng lumundag si Prince sa D-League na tungtu­ngan ng mga nagnanais mapasama sa PBA.

Gaya ni Ricci, sa ngayon, pagtutuunan muna ng pansin ni Prince ang Gilas cadets dahil isa sa pangarap nito ang muling maging bahagi ng pambansang koponan.

“It’s my dream to represent our country and wear the national team colors again,” ani Prince na bahagi ng Gilas cadets na nakasungkit ng gintong medalya noong 2017 Southeast Asian Games sa Malaysia.

Sasabak ang Gilas cadets sa Filoil Flying V Preseason Premier Cup na magsisimula sa Abril 21 kung saan makakalaban nito ang matitikas na collegiate teams sa bansa partikular na ang reigning UAAP champion Ateneo de Manila University at NCAA titlist San Beda College.

“We will kickout our preparation (for the 2023 FIBA World Cup)  by competing in the Premier Cup,” wika ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes.

Umaasa si Reyes na papayagang makalaro sa Gilas cadets ang iba pang miyembro nito.

Kasama sa pool ng Gilas cadets sina Robert Bolick, Kemark Carino, Javee Mocon, Isaac Go, Matt Nieto, Thirdy Ravena, Kenneth Tuffin, Arvin Tolentino, Paul Desiderio, Juan Gomez de Liano, Will Gozum, CJ Perez, Jeo Ambohot, Kai Sotto at Carl Tamayo gayundin sina Jayjay Alejandro at Abu Tratter.

Show comments