MANILA, Philippines — Itinarak ng nagdedepensang F2 Logistics ang 25-18, 25-18, 27-25 panalo laban sa Smart Prepaid upang masikwat ang kanilang silya sa semifinals ng Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa Gen. Trias Sports Center sa Gen,Trias City.
Sa kabila ng mainit na kundisyon ng playing court sa venue, nagawa pa ring magpasabog ni reigning MVP Maria Jose Perez ng Venezuela nang magpakawala ito ng 17 puntos mula sa 16 attacks at isang block para sa Cargo Movers.
“The most challenging part of this win was the weather. I find it too hot so I have to save energy all throughout the game. Every time we have an intense rally, we have to breathe and save our energy because it was too hot here. Smart played too hard as well, they never give up, and they always like push us. We have good connection with Kim (Fajardo). Our combinations inside the court worked,” wika ni Perez.
Malaki rin ang kontribusyon ni American opposite spiker Kennedy Bryan na humataw ng 15 attacks at isang block gayundin si libero Minami Yoshioka na makailang ulit nagpaangat ng solidong attack mula sa Giga Hitters.
Nagparamdam din ng puwersa si team captain Cha Cruz-Behag na siyang kumana ng dalawang huling importanteng puntos ng Cargo Movers sa third set para makuha ang panalo.
Madalas dumidikit ang Giga Hitters sa likod nina power-hitting open spiker Gyselle Silva na dating miyembro ng Cuban national team at Serbian Sanja Trivunovic.
Naitabla ng Giga Hitters ang iskor sa 25-all ngunit nasandalan ng Cargo Movers si Cruz-Behag na siyang bumanat ng down-the-line hit mula sa mahabang rally para makuha ang 26-25 bentahe.
Kasunod nito ang isang umaatikabong ace para tuluyang tuldukan ang pag-asa ng Giga Hitters.
Hindi nakapaglaro si Aby Maraño na nagtamo ng injury sa kanang kamay.
Ngunit maganda ang ipinamalas nina middle hitters Cherry Rose Nunag at Maria Lourdes Clemente para punan ang nabakanteng puwesto ni Mara˜o.
Nalimitahan sa 25 puntos si Silva habang kumana sina Trivunovic, Genie Sabas at Rainne Fabay ng pinagsama-samang 16 puntos.