Malditas diniskaril ng Thailand

MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon, muling nabigo ang Malditas na makahirit ng tiket sa FIFA Women’s World Cup.

Ito ay matapos yumuko sa Southeast Asian po­werhouse Thailand sa iskor na 1-3 sa group stage ng Asian Football Confederation (AFC) Women’s Asian Cup 2018 na ginaganap sa King Abdullah 2nd Stadium sa Amman, Jordan.

Nagtala ng dalawang goals si Kanjana Sun-Ngoen habang nagdagdag ng isa pa si Silawan Intamee para sa Thailand.

Nagawang pigilan ng Malditas ang shutout loss matapos maisalpak ni Jessie Shugg ang isang goal sa injury time.

Tumapos sa ikatlong puwesto ang Malditas tangan ang isang panalo at dalawang talo para sa tatlong puntos sa Group A.

Nanguna ang China na may tatlong panalo para sa siyam na puntos habang pumangalawa ang Thailand na may dalawang panalo at isang talo (anim na puntos) na parehong umusad sa semifinals kalakip ang tiket sa FIFA World Cup.

Nahulog ang Pilipinas sa battle-for-fifth place kung saan makakaharap nito ang No. 3 team sa Group B.

Maliban sa China at Thailand, nakahirit din ng silya sa FIFA World Cup ang Group B topnotchers Australia at Japan.

Kasalukuyang nasa ikatlo ang South Korea na may dalawang draws habang ikaapat ang Vietnam na may dalawang talo.

Limang slots ang nakalaan para sa Asia-Oceania.

Kaya’t may tsansa pa ang Malditas na makapasok sa FIFA World Cup kung maipapanalo nito ang laro sa battle-for-fifth place na lalaruin sa Lunes.

Show comments