Matitikas na volleyball players labu-labo sa tryouts

MANILA, Philippines — Magtitipun-tipon ang pinakamahuhusay na volleyball players sa bansa ngayong araw sa pagsisimula ng tryout para makabuo ng national team na sasabak sa malalaking international tournaments sa taong ito.

Gaganapin ang tryout sa Arellano University-Legarda gymnasium kung saan inaasahang dadaluhan ito ng mga beterano at bagitong manlalaro mula sa Philippine Superliga, Premier Volleyball League, UAAP, NCAA at iba pang bahagi ng bansa.

Makikilala na rin ang mga coaches na siyang hahawak sa men at wo­men’s national teams na ihahanda para sa 18th Asian Games sa Indonesia at sa AVC Asian Senior Women’s Cup sa Thailand gayundin sa 30th Southeast Asian Games na idaraos sa bansa sa susunod na taon.

Nangunguna sa listahan ng mga kandidato sa women’s division si Jaja Santiago ng NU na makailang ulit nang naging bahagi ng pambansang koponan habang nais ni Dindin Santiago-Manabat na makabalik sa national team matapos mabigong makapaglaro sa 2017 SEAG sa Malaysia dahil nagpapagaling ito sa kanyang tinamong ACL injury.

Mainit din ang pangalan nina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez ng Creamline at PVL Open Confe­rence reigning MVP Myla Pablo ng Pocari Sweat at ng mahuhusay na setters na sina Kim Fajardo ng F2 Logistics, Jia Morado ng Creamline at Rhea Dimaculangan ng Petron.

 Malalaman na rin ang coaches na hahawak sa national teams kung saan nangunguna si La Salle at F2 mentor Ramil de Jesus sa listahan na magmamando sa women’s squad at si Oliver Almadro ng Ateneo para naman sa men’s team.

Show comments