MANILA, Philippines — Puntirya ng Smart Prepaid na magarbong tapusin ang classification round sa pakikipagtipan nito sa Sta. Lucia Realty sa pagpapatuloy ng Philippine Superliga (PSL) Grand Prix ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Giga Hitters at Lady Realtors sa alas-7 ng gabi habang magtutuos din ang Cignal at Generika-Ayala sa alas-4:15 ng hapon.
Nakasentro ang atensiyon kay Cuban import Gyselle Silva na gumawa ng record-breaking 56 points sa kanilang five-set loss sa Cocolife noong nakaraang linggo para wasakin ang 41-point record ni Sara Klisura na naitala noong Nobyembre sa 2017 Grand Prix noong naglalaro pa ito para sa Foton Tornadoes.
Nasa No. 3 ito sa world record sa likod ng 58 points ni Polina Rahimova ng Azerbaijan noong 2015 at 57 points nina Madison Kingdon ng Amerika noong 2017 at Elitsa Vasileva ng Bulgaria noong 2013.
“Her (Silva) main goal is to give us a victory. She’s very focused on training and actual games. So I’m not discounting the possibility that she can either match or surpass that impressive performance in our next few matches,” ani Smart head coach Ronald Dulay.
Ngunit haharap ang Smart sa determinadong Sta. Lucia na galing sa impresibong panalo sa Petron.
Anuman ang mangyari sa Smart-Sta. Lucia game, mananatili sa No. 8 ang Giga Hitters.
Sa quarterfinals, makakaharap ng Smart ang reigning champion F2 Logistics na siyang No. 1 seed sa classification round tangan ang 9-1 marka.