MANILA, Philippines — Mapapalaban ng husto ang Batang Gilas dahil mapapasama ito sa itinuturing na ‘group of death’ sa prestihiyosong 2018 FIBA Under-17 World Cup na gaganapin sa Hunyo 30 hanggang Hulyo 8 sa Rosario at Santa Fe sa Argentina.
Mapupunta ang Pilipinas sa Group D kasama ang European powerhouse teams France, Croatia at host Argentina.
Nagkwalipika ang France sa World Cup matapos magkampeon sa FIBA Under-16 European Championship na ginanap noong nakaraang taon sa Montenegro habang pumang-apat naman ang Croatia sa naturang torneo.
Awtomatiko namang nabigyan ang Argentina ng tiket sa World Cup dahil sa pagiging host country nito.
Sa kabilang banda, nakahirit ng tiket sa World Cup ang Batang Gilas matapos pumang-apat sa katatapos na FIBA Asia Under-16 Championship na ginanap sa Foshan Lingnan Mingzhu Gymnasium sa Foshan, China.
Kasama ng Pilipinas na pumasok sa World Cup ang FIBA Asia champion Australia, runner-up China at third-placer New Zealand.
Napunta ang Australia sa Group A kasama ang Puerto Rico, Turkey at Dominican Republic habang ang China ay nasa Group B na siya ring kinapapalooban ng 2016 FIBA World Championship titlist United States, Mali at Serbia sa Group B.
Pasok naman ang New Zealand sa Group C kasama ang Canada, Egypt at Montenegro.
Dumating na kahapon ang Batang Gilas matapos ang matagumpay na kampanya sa FIBA Asia sa China.