MANILA, Philippines — Itinuturing ni Argentinian world welterweight king Lucas Matthysse na isang malaking karangalan ang makalaban ang isang boxing legend na kagaya ni Manny Pacquiao.
Ngayon pa lamang ay hindi na siya makapaghintay na makasabayan ang Filipino world eight-division champion.
“I feel happy, it’s very exciting to fight Manny Pacquiao, a boxing legend. For me, as an athlete it’s very big to face a monster like him, to enter the ring with him,” sabi ni Matthysse kay Pacquiao.
Itataya ni Matthysse (39-4-0, 36 KOs) ang kanyang WBA welterweight crown laban kay Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) sa Hulyo 15 sa 16,000-seater na Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Wala pang WBA title na napapanalunan ang 39-anyos na si Pacquiao sa kanyang koleksyon ng mga championship belts.
Nakuha ng 35-anyos na si Matthysse ang bakanteng WBA title via eighth-round knockout win laban kay Teerachai Kratingdaeng Gym ng Thailand sa The Forum sa Inglewood, California noong Enero.
Ang Argentinian superstar ay sasanayin ni veteran trainer Joel Diaz.
Si Diaz ang trainer ng retirado nang si dating WBO welterweight titlist Timothy Bradley, Jr. na tumalo kay Pacquiao via split decision noong Hunyo 9, 2012.