Lady Tams sinuwag ang tiket sa semis

Laro Ngayon (The Arena)

2pm UE vs NU

4pm UST vs DLSU

MANILA, Philippines — Hinablot ng Far Eas­tern University ang ikatlong tiket sa Final Four matapos kubrahin ang pahirapang 25-22, 25-27, 14-25, 25-22, 15-11 panalo laban sa Adamson University kahapon sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Inilabas ni Bernadeth Pons ang mala-MVP nitong performance nang humataw ng 22 puntos mula sa 20 attacks at dalawang blocks para sa Lady Tamaraws na sumulong sa 8-4 rekord.

“Parati naming pina-practice yung fifth set, kasi kapag umaabot sa fifth set parati kaming kapos. Na­ging effective yung pina-practice namin, kailangan lumabas yung mental toughness namin kasi alam namin na sobrang tiyaga talaga ng Adamson sa depensa, matibay sila sa floor defense,” wika ni Pons na isa sa mga kandidato sa MVP race.

Mataas ang porsiyento ng Lady Tamaraws sa lahat ng aspeto ng scoring kabilang ang 55 attacks laban sa 48 ng Lady Falcons.

Nakakuha rin ang FEU ng 14-13 edge sa blocking at 10-5 sa service area.

Subalit naging tinik sa daan ng Lady Tamaraws ang 41 errors nito na siyang sinamantala ng Lady Falcons sa ilang krusyal na sandali ng laban.

Dahil dito, naiwan ang bakbakan para sa hu­ling sil­ya sa Final Four sa pagitan ng Adamson at National University.

Nahulog ang Lady Falcons sa 5-7 rekord upang manganib ang kanilang tsansang makapasok sa susunod na yugto.

Nanatili sa ikalimang puwesto ang Adamson sa likod ng No. 4 NU na may 6-6 marka.

Kailangan ng Adamson na maipanalo ang kanilang huling dalawang laro--laban sa nagdedepensang De La Salle University at University of Santo Tomas at umasang matalo ang NU sa kanilang mga nalalabing laban.

Sa ikalawang laro, ginulantang ng University of the Philippines ang Ateneo, 28-26, 25-23, 26-24 upang manatiling buhay ang Final Four bid nito tangan ang 5-8 marka.

Lumagapak ang Lady Eagles sa 9-4 baraha.

 Sa men’s division, pinataob ng reigning titlist Ateneo ang UST, 25-11, 25-21, 25-21 habang na­naig ang La Salle U sa University of the Philippines, 25-22, 25-23, 25-20.

Sumalo ang Ateneo sa NU sa liderato tangan ang parehong 10-2 baraha habang umangat ang La Salle sa ikalimang puwesto bitbit ang 5-8 kartada.

Nahulog naman ang UST sa No. 6 spot (5-7) kasunod ang UP na may 3-10.

Show comments