Open tryout para sa national team ikinasa ng LVPI

MANILA, Philippines — Magtatagisan ang pinakamahuhusay na volleyball players sa bansa upang makahirit ng puwesto sa bu­buuing national team para sa 18th Asian Games sa Indonesia at sa AVC Asian Senior Women’s Cup sa Thailand.

Idaraos ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ang open tryout sa Abril 13 sa Arellano University Legarda campus na bukas sa lahat ng manlalarong nais maging bahagi ng Pambansang koponan.

Maliban sa bagong lineup, ipaparada rin ng LVPI ang bagong head coach ng national team na kabilang sa mga pipili ng mga manlalarong isasabak sa malalaking international tournaments.

“We will come up with a formal announcement about our new head coach any time soon,” ani LVPI vice president Peter Cayco.

Magpapadala ang LVPI ng imbitasyon sa mga manlalarong nasa “wish list” ng national coaching staff ngunit nilinaw nitong maaring lumahok sa tryout ang iba pang manlalaro na hindi mapapadalhan ng imbitasyon.

“Although we will send formal invites to those in the coach’s wish list, we will still welcome players who want  to be part of the team. We want to make sure that everybody will be given a chance so that we can assemble the country’s best volleyball team,” ani Cayco.

Darating sa tryout sina national team members Jaja Santiago, Kim Fajardo, Mika Reyes, Kianna Dy, Dawn Macandili, Alyssa Valdez, Aiza Maizo-Pontillas, Rhea Dimaculangan at Maika Ortiz.

Inaasahang dadalo rin sina Dindin Santiago-Manabat, Myla Pablo, Kath Arado at MJ Philips.

Naniniwala si Asian Games chief of mission Richard Gomez na kaya ng Pilipinas na makapagbigay ng magandang laban sa Asian Games na lalahukan ng matitikas na koponan partikular na ang Olympic Games champion China, South Korea, Japan at Asian champion Thailand.

Show comments