MANILA, Philippines — Sa loob ng 32 taon marami na ang ating nasaksihang pagbabago para sa Philippine Sports. Kabiguan man o tagumpay, iisa lang ang pinanghahawakan ng nakararami, ang kanilang pananampalataya.
Pananampalataya na magwagi sa anumang kompetisyon na kanilang salihan at pananampalataya na mabago ang sistema sa larangan ng isport.
May mga dalanging agad na natupad, ang ilan naman ay nagbilang ng ilang taon bago naganap, ngunit sadyang walang dalangin ang hindi dinidinig. Naghihintay lamang ng tamang oras upang maganap.
Isa sa maituturing na tagumpay ng Philippine Sports ang pagbabago ng liderato ng Philippine Olympic Committee (POC).
Matagal nilang inaasam ngunit ngayon lamang naganap ang pagbabago na hinihingi ng mga nakararami. Tagumpay sa nakararami, kabiguan sa ilan.
Hindi rin matatawaran ang kagalingan na ipinamalas ni Hidilyn Diaz sa kanyang pagsungkit ng silver medal sa Olimpiyada.
Taas noo ang lahat ng Pinoy dahil sa karangalan na iniuwi ni Diaz noong 2016 na siyang nagtapos sa pagdarahop ng Pilipinas sa medalya buhat sa Olimpiyada.
Kuminang din sa larangan ng isport ang pangalan ni Senador Manny Pacquiao na nagbigay ng sunud-sunod na karangalan sa bansa sa kanyang pakikipaglaban sa larangan ng boxing.
Dahil nga kanyang kalakasan at pagiging mapagkumbaba, hindi nagdalawang isip ang ilang Pilipino na iluklok siya sa Senado. Ngayon, hindi lamang boxing ring ang kanyang pinagtutuunan ng pansin kundi pati na rin ang suliranin ng bansa.
Bukod dito, nakilala rin ang mga pangalan nina Rhe Marquez at Julius Obero ng Dancesports.
Sina Marquez at Obero ang siyang nagbigay inspirasyon para sa mga taong may kapansanan na hindi hadlang ang kakulangan sa katawan para magtagumpay.
Nagpasikat ang dalawang mananayaw na ito sa Asian Indoors at Para Games matapos na mag-uwi ng ginto sa naturang kompetisyon.
Ang mga atleta naman na gaya nina Mary Joy Tabal, Alex Eala, Bahy Newberry, Tara Borlain, Rex Luis Krog, Veruel Verdadero at iba ang mga kabataan sa isports na nagbigay ng karangalan sa bansa sa kanilang mga napiling sports.
Patunay na may darating na magandang kinabukasan para sa sports gayung sa kanilang murang edad ay nakapag-uwi na sila ng medalya.
Ngunit hindi lahat ay karangalan at tagumpay.
Nalugmok din sa kabiguan ang Philippine Sports lalo na nang magbangayan ang ilang sports officials dahil sa kabi-kabilang kontrobersya sa sports.
Nagkaroon ng matinding alitan sina dating POC president Peping Cojuangco at Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez, matapos akusahan ng huli ng ilegal na paggamit ng pera ng una na nakalaan sana para sa mga atleta noong 2014 Asian Games.
Inakusahan ni Fernandez si Cojuangco na ibinulsa ang kabuuang P38 milyong piso sa Asian Games habang tinawag naman na "game fixer" ni Cojuangco si Fernandez na umabot sa korte.
Hindi pa natapos ang bangayan dito, nasilip pati ang katiwalian ng Philippine Karatedo Federation kung saan nagreklamo naman ang ilang atleta na kasama sa training sa Germany kontra sa kanilang Sec-Gen na si Raymund Lee Reyes.
Hindi umano ibinigay ni Reyes ang dapat sana ay kabuuang US$1,800 kada atleta sa mga nag-training. Na inamin din naman niya kalaunan ngunit aniya ay ginamit sa ibang bagay para rin umano sa mga atleta. Kahit ang NBI ay namagitan na rin sa nasabing isyu.
Kinailangan ng PSC na hingin ang tulong ng NBI upang maimbestigahan nang husto ang nasabing reklamo at maibalik ang pera na dapat ay napunta sa mga atleta.
Dahil dito, nagdesisyon ang PSC na suspendihin ang PKF at ihinto ang suportang pinansyal para sa nasabing National Sports Associaiton (NSA), bagama't ang mga atleta ay tuloy ang allowance. Ginawa ito ng PSC habang hindi pa malinaw ang paliwanag ng mga opisyales ng PKF hinggil sa isyu.
Naging daan ang nasabing usapin, upang lumakas ang loob ng ilang atleta na magreklamo sa PSC.
Na naging daan ito upang bumuo ang PSC ng Task Force, kumapal na ang bilang ng mga nagsumite ng reklamo sa kanila, ngunit siyempre kailangan nila itong pag-aralan muna.
Ito rin ang naging mitsa ng liderato ni Cojuangco sa POC. Dahil lumabas na kabi-kabilang reklamo, napilitan na ang ibang NSAs officials na hikayatin siyang bumaba sa puwesto bilang presidente ng POC at sinuportahan si Ricky Vargas, ang presidente ng boxing, na una na ring nagtangka na kalabanin si Peping bilang presidente noong nakaraang taon.
Sa kasamaang palad, hindi napayagan na tumakbo si Vargas noong una sa isyu naman ng kanyang hindi pagsipot sa mga Genral Assembly ng POC noon. Nauwi sa pagsasampa ng kaso sa korte, hanggang sa iutos ng korte na ituloy ang eleksyon at eto na nga, si Vargas na ang presidente ng POC.
Sa dinami-dami ng gulo, kontrobersya at tagumpay sa loob ng sports, tunay nga na hindi kailanman mawawala sa pahina ng kahit na anong pahayagan ang sports.
Dahil bukod sa pulitika, pangalawa ang mundo ng sports sa may pinakamakulay at pinaka-kontrobersyal na mundo.
At kahit kailan ay hinding hindi rin kami magsasawang maghatid ng maganda, mapait at matagumpay na balitang sports sa inyong lahat.