Lady Spikers iniligpit ang Lady Maroons
MANILA, Philippines — Mabilis na dinispatsa ng reigning champion De La Salle University ang University of the Philippines sa bisa ng 25-15, 25-19, 25-19 desisyon para masolo ang liderato sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Maganda ang inilaro ni Season 79 Finals MVP Desiree Cheng nang kumulekta ng 14 puntos buhat sa 10 kills at apat na aces para manduhan ang Lady Spikers sa pagsungkit sa ika-pitong panalo sa siyam na laro.
Umariba rin si dating Finals MVP Kim Kianna Dy na nagpakawala ng walong kills, limang aces at apat na blocks at nagdagdag si open hitter Ernestine Tiamzon ng siyam na puntos, 10 digs at pitong receptions.
Nakalikom naman si middle blocker Aduke Ogunsanya ng walong puntos gayundin si playmaker Michelle Cobb na may 30 excellent sets, samantalang naglista si libero Dawn Macandili ng 20 digs sa larong tumagal lamang ng 73 minuto.
Bumagsak ang Lady Maroons sa 3-6 kung saan nakagawa si skipper Diana Carlos ng 16 points at naglista si Isa Molde ng siyam na attacks at isang ace.
Hindi nakatulong ang 21 unforced errors ng UP gayundin ang masama nilang floor defense kung saan tanging 23 good receptions lamang ang nakuha nila mula sa kabuuang 63 attempts.
Taliwas ito sa hanay ng La Salle na may 34 points sa attack line, apat naman sa blocking department at 15 sa service area.
“Mas organisado kami ngayon lalo na sa blocking at floor defense. Maganda rin ang services ng buong team. Hopefully magtuluy-tuloy dahil gusto sana namin mag-number one or two after ng second round,” wika ni La Salle head coach Ramil De Jesus.
Sa ikalawang laro, iginupo ng Far Easter University Lady Tamaraws ang University of Santo Tomas Tigresses, 25-21, 25-21, 25-23, para sumulong sa 6-3 marka.
Sa men’s division, pintaob ng nagdedepensang Blue Eagles at National University Bulldogs ang kani-kanilang karibal para sa magkatulad na 8-1 marka.
Muling pumutok si four-time MVP Marck Jesus Espejo nang pumalo ng 16 attacks, apat na blocks at tatlong aces para dalhin ang Blue Eagles sa 25-19, 26-24 , 25-22 panalo laban sa Adamson University Soaring Falcons.
Humataw naman sina Bryan Bagunas at Kim Malabunga ng pinagsamang 33 puntos para pamunuan ang Bulldogs sa 25-21, 25-16, 25-22 demolisyon sa University of Santo Tomas Growling Tigers.
- Latest