Oranza uli sa stage 2
Ronda Pilipinas
PAGUDPUD, Ilocos Norte , Philippines — Mula sa Vigan ay idiniretso ni Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance ang kanyang pamamayagpag dito kahapon.
Inangkin ng 25-anyos na si Oranza ang kanyang ikalawang sunod na stage victory para agawin ang overall individual lead sa 155.4-kilometer Stage Two ng Ronda Pilipinas 2018 na inihahandog ng LBC na pinakawalan sa Vigan, Ilocos Sur at nagtapos sa harap ng Municipal Hall dito.
Sumama si Oranza sa breakaway group hanggang kumawala sa huling three-km stretch.
Nagtala ang tubong Villasis, Pangasinan ng tiyempong tatlong oras, 34 minuto at 13 segundo para sa kanyang ikalawang stage win at iwanan sina Navy teammate Rudy Roque at Sherwin Carrera ng CNN Superteam na nagtala ng parehong oras.
Inagaw ni Oranza ang overall lead mula sa kanyang kakamping si Jan Paul Morales, ang back-to-back champion, sa kanyang aggregate time na 4:45:14.
Isusuot ni Oranza ang LBC red jersey ngayon sa Pagudpud-Tuguegarao Stage Three (223.5 kms), ang pinakamahabang karera sa 12-stage race na naglalatag ng premyong P1 milyon.
Hindi naman nakahabol si Go for Gold bet George Oconer, sinasabing hahamon kay Morales, na naiwanan ng grupo ni Oranza sa Bangui windmills.
Sa kabila nito ay tumaas pa rin ang 26-anyos na si Oconer sa No. 2 mula sa pagiging No. 3 mula sa kanyang 4:46:02 sa itaas nina Roque (4:47:29) at Carrera (4:47:40).
Tumapos naman si Morales bilang No. 13 sa kanyang oras na 3:40:17 at nahulog sa ninth overall (4:51:23).
Samantala, patuloy ang pamumuno ng Navy sa team race sa kanilang tiyempong 19:14:44 kasunod ang Go for Gold Developmental (19:24:34.)
- Latest