MANILA, Philippines — Posibleng lumaban sa iisang petsa at venue sina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at Australian world welterweight king Jeff Horn.
Ito ay kung tuluyan nang mapaplantsa ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang detalye para sa magkahiwalay na laban nina Pacquiao at Horn.
Pipilitin itong maitakda ni Arum sa Abril 14 sa pay-per-view card sa Madison Square Garden sa New York City.
“We’re going over contracts with four guys that we handle, and everything’s coming along nicely,” wika ni Arum sa panayam ng Los Angeles Times.
Noong Hulyo 2 ay tinalo ni Horn si Pacquiao via unanimous decision para agawin sa Filipino boxing legend ang suot nitong World Boxing Organization welterweight crown sa Brisbane, Australia.
At matapos ito ay hindi na muling umakyat ng boxing ring ang 39-anyos na Senador.
Gagawin naman ng 29-anyos na si Horn ang kanyang ikalawang pagdedepensa sa hawak na WBO belt laban kay dating four-belt light welterweight titlist Terence Crawford.
Wala pang opisyal na pahayag si Pacquiao (59-7-2, 38 knockouts) kung sino ang gusto niyang labanan para sa kanyang comeback fight.
Ang pangalan ni dating Mexican world light welterweight king Mike Alvarado (38-4-0, 26 KOs) ang lumulutang sa mga nakaraang araw.
Ang 37-anyos na si Alvarado ay nasa four-fight winning streak.