Valdez excited sa mga bagong teammates sa Creamline

Alyssa Valdez

MANILA, Philippines — Sabik na si three-time UAAP MVP Alyssa Valdez na makasama ang kanyang mga bagong teammates sa Creamline Cool Smashers na sasabak sa Premier Volleyball League Reinforced Conference na magsisimula sa Abril.

Partikular na tinukoy ng dating Ateneo de Manila Uni­versity standout sina Mi­chele Gumabao at Melissa Gohing na dati niyang nakalaban sa UAAP at sa PVL.

Ito ang unang pagkaka­taon na makakasama ni Val­dez sina Gumabao at Go­hing sa isang team.

“Excited akong ma­ka­sama sila sa team. First time ko silang makakasama at alam kong malaking tu­long sila sa team dahil alam naman nating lahat ‘yung talent nila. Sobrang ex­cited ako dahil finally ma­kakasama ko sila,” wika ni Valdez.

Matinding preparasyon ang gagawin ng Cool Sma­shers upang magkaroon ng mas magandang kampanya sa taong ito.

Dalawang beses na tumapos sa ikatlong puwesto ang Creamline noong na­ka­raang taon - sa Reinforced Conference at sa Open Conference.

Gagabayan ang tropa ni Thai mentor Tai Bundit na kilala sa mataas na  antas ng training.

“Gusto talaga naming mas mapaganda ang per­for­mance namin this year com­pared last year,” wika pa ni Valdez na nakapag­laro sa Thailand Volleyball League at Chinese-Taipei Volleyball League noong na­karaang taon.

Makakasama nina Valdez, Gumabao at Gohing sa tropa si UAAP Best Setter Jia Morado na inaasa­hang madaling makapag-adjust sa sistema ng laro ng kanilang bagong katropa.

Lalarga rin para sa Cool Smashers sina Rosemarie Vargas na lalaro para sa Far Eastern University sa UAAP at middle hitter Maria Paulina Soriano.

“Isang pamilya kami sa team and we are very much welcome sa mga ba­go naming kasama. They are now part of the family,” ani Valdez.

Mahahati ang atensyon ni Gumabao dahil nag­ha­handa rin siya para sa pag­lahok sa darating na 2018 Binibining Pilipinas kung saan isa siya sa 40 kan­didatang napili para lumaban sa Marso 18 sa Smart Araneta Coliseum.

Umaasa si Gumabao na makapag-uuwi siya ng isa sa mga koronang nakataya sa Binibining Pilipinas partikular na ang Binibining Pilipinas-Universe at Bini­bining Pilipinas-International.

Show comments