Master of the table si Bustamante
MANILA, Philippines — Nasungkit ni Filipino legendary cue master Francisco “Django” Bustamante ang overall championship crown o mas kilala sa tawag na “Master of the Table” sa 2018 Derby City Classic sa Horseshoe Southern Indiana sa Elizabeth, Indiana, USA.
Nakalikom ang dating World 9-Ball champion ng kabuuang 198.5 points para sa unang puwesto sa torneo.
Ito ang ikatlong Master of the Table ni Bustamante dahil nagkampeon na rin ito noong 2008 at 2013 edisyon.
Nakakuha ng malaking puntos si Bustamante nang magkampeon sa Derby City Classic One-Pocket Challenge kung saan niya tinalo si Justin Bergman ng USA, 3-1, sa kanilang championship showdown.
Umabot rin si Bustamante sa semifinals ng Derby City Classic 9-Ball Banks Division.
Kalakip ng kanyang “Master of the Table” trophy ang tumataginting na $20,000 premyo.
Pumangalawa lamang si Bergman na may 153.3 points para magkasya sa $3,000 konsolasyon, habang dalawang manlalaro ang nagsosyo sa ikatlong puwesto na may magkatulad na 141.0 points para paghatian naman ang $2,000 premyo.
Nanatili sa Pilipinas ang “Master of the Table” crown sapul pa noong 2013.
Naghari si Dennis Orcollo noong 2014, habang nagtala ng back-to-back titles si Alex Pagulayan noong 2015 at 2016 bago muling nakuha ni Orcollo ang korona noong nakaraang taon.
Maliban kina Bustamante, Orcollo at Pagulayan, lumahok rin sa torneo sina Roberto Gomez, James Arenas, Warren Kiamco, Lee Vann Corteza, Jeffrey De Luna at dating World 8-ball at World 9-ball titlist Ronnie Alcano.
Napasakamay ni Gomez ang 2018 Derby City Classic 10-Ball Bigfoot Challenge crown.
Naitakas naman ni Gomez ang makapigil-hiningang 11-10 panalo laban kay reigning World Junior Championship titlist Fedor Gorst ng Russia sa kanilang championship game.
- Latest