Natumbok ni bustamante

Si  Francisco ‘Django’ Bustamante habang tumitira sa isa niyang laban. (file photo)

Kampeon Sa DCC one-pocket challenge

MANILA, Philippines — Maningning na inangkin ni legendary cue master Francisco “Django” Bustamante ang kampeonato sa Derby City Classic One-Pocket Challenge na ginanap sa  Horseshoe Southern In­diana sa Elizabeth, Indiana sa Amerika.

Naitala ng dating World 9-Ball champion na si Bustamante ang 3-1 panalo laban kay Justin Bergman ng Amerika sa kanilang championship showdown.

Naipanalo ni Bergman ang first game upang makuha ang 1-0 bentahe.

Subalit mabilis na nakabangon si Bustamante nang kubrahin nito ang dalawang sumunod na laro para agawin ang bentahe sa 2-1.

Mas naging agresibo si Bustamante sa fourth game kung saan itinala nito ang 7-1 abante na si­yang naging matatag na sandalan para makamit ang panalo.

Ang panalo ang nagsil­bing matamis na resbak ni Bustamante matapos matalo sa semifinals ng Derby City Classic 9-Ball Banks Division.

Hahataw din si Bustamante sa Derby City Classic 9-Ball Division.

Makakalaban ni Bustamante sa susunod na yugto si Darren Everett.

Buhay pa rin sina Ja­­­mes Arenas, Warren Kiamco, Lee Vann Corteza, Jeffrey De Luna, Alex Pagulayan, Dennis Orcollo at Derby City Classic 10-Ball Bigfoot Challenge champion Roberto Gomez.

Sasagupain ni Aranas si John Brumback habang lalarga si Kiamco kay Joey Cicero; titipanin ni Pagulayan si Gary Browning  at magtutuos sina Corteza at De Luna.

Naghihintay pa sina Gomez at Orcollo ng kanilang makakalaban sa susunod na yugto.

Ang manlalarong makalilikom ng pinakamataas na puntos matapos ang apat na events sa Derby City Classic ang siyang tatanghaling Master of the Table. 

Show comments