Alab Pilipinas binawian uli ng Singapore Slingers
MANILA, Philippines — Muling nakalasap ang Alab Pilipinas ng 80-90 kabiguan sa mga kamay ng Singapore Slingers noong Miyerkules ng gabi sa pagpapatuloy ng 2017-2018 ASEAN Basketball League sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Rumatsada ng 26-16 run ang Slingers sa huling yugto tungo sa kanilang ikalawang panalo sa Pinoy team.
Bunga ng kabiguan, umangat ang Singapore, 2-1 laban sa Alab Pilipinas sa season na ito at 6-3 sa kanilang franchise history.
Bumaba ang Alab Pilipinas sa pang-anim na puwesto sa likuran ng nangungunang Hong Kong Eastern Lions (7-1), Chong Son Kung Fu (4-0), Thailand Mono Vampire (5-3), Singapore Slingers (4-5) at Saigon Heat (3-2).
Tabla na sana ang laban sa 64-64 makaraan ang tatlong quarters ngunit hindi napigilan ng Alab Pilipinas sina Filipino-Canadian Alfred Mandani at 7’0 Chris Charles sa 11-2 run para maitala ang kanilang unang malaking bentahe, 75-66 mahigit 5:50 minuto pa ang natitira sa fourth period.
Huling dumikit ang Pinoy Cagers sa 74-79 sa triple ni Josh Urbiztondo at lay-up ni Renato Balkman, ngunit hindi tinawagan ng travelling violation si Xavier Alexander at kahit sa violation ng shot clock ay hindi pinansin ng referee kaya nagalit si coach Alapag at nabigyan ng technical foul.
Pito lamang sa 11 na ginamit ni Alapag ang umiskor sa pangunguna ni Renato Balkman na umani ng 24 puntos, 12 rebounds, 2 assists at dalawang steals habang sina Bobby Ray Parks at Justin Brownlee ay nag-ambag ng tig-16 puntos.
- Latest