MANILA, Philippines — Masisilayan agad ang salpukan ng Marinerong Pilipino at Zark’s sa pag-arangkada ng PBA D-League Aspirant’s Cup sa Enero 18 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Idaraos ang simpleng opening ceremony sa alas-3 ng hapon na agad na susundan ng duwelo ng Skippers at Jawbreakers sa alas-4.
Ipaparada ng Skippers sina Filipino-American Kyle Toth at University of the East scoring machine Alvin Pasaol.
“Our goal is nothing but the championship. It’s not going to be easy but it’s achievable if we buy into the system and work together,” ani Skippers mentor Koy Banal.
Sa Foundation Cup, nakarating lamang sa Final Four ang Skippers kaya’t umaasa si Banal na madadala ang tropa sa finals sa pagkakataong ito kasama ang mga prized rookies.
Naging maingay si Pasaol sa UAAP matapos magtala ng 49 puntos sa kanilang 100-106 kabiguan sa La Salle sa eliminasyon.
Tangan nito ang averages na 20.6 points, 7.1 rebounds, 1.7 steals, 1.6 assists at 0.9 blocks sa UAAP.
Makakasama nina Toth at Pasaol sina Abu Tratter ng De La Salle University, Vince Tolentino ng Ateneo de Manila University, Filipino-American Luis Brill III.
Matapos ang opening day, sunod na lalarga ang mga laro sa Enero 22 sa Pasig City Sports Center kung saan magpapang-abot ang Gamboa Coffee Mix-St. Clare at Go for Gold-College of Saint Benilde sa alas-2 ng hapon at Chelu Bar and Grill-San Sebastian College at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-4.
Maglalaro naman ang AMA Online Education sa Enero 23 sa pagharap nito sa Wangs Basketball sa alas-2 ng hapon sa parehong venue.
Masisilayan na si Filipino-Canadian forward Owen Graham na siyang kinuha ng Titans bilang top pick sa PBA D-League Annual Draft.