Carrion pabor na magdaos ng bagong POC election
MANILA, Philippines — Kung si Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion ang tatanungin, pabor itong magsagawa ng panibagong eleksiyon ang Philippine Olympic Committee sa Pebrero 23.
Ito ay matapos maglabas ng desisyon kamakailan ang Pasig Regional Trial Court na pagpapawalang-bisa sa naganap na eleksiyon para sa pagka-pangulo at chairman ng POC.
Ilang grupo aniya ang kumikilos upang makakuha ng temporary restraining order para pigilan ang ini-utos ng korte na magsagawang muli ng eleksiyon.
Magugunitang diniskwalipika ng POC Comelec na tumakbo bilang presidente si Ricky Vargas ng Association of Boxing Alliances in the Philippines at bilang chairman si Abraham Tolentino ng Integrated Cycling Federation of the Philippines sa ginanap na eleksiyon noong 2016.
Dahil dito, awtomatikong nanalo bilang pangulo ng POC si Peping Cojuangco ng equestrian at bilang chairman si Tom Carrasco ng triathlon.
Nadiskwalipika rin si Carrasco sa kalaunan kaya’t bakante ang posisyon bilang POC chairman.
Kaya naman nais ni Carrion na matuloy ang panibagong eleksiyon base sa pagsunod sa iniutos ng korte.
Hangad ni Carrion na tapusin ang problema sa magandang pamamaraan para makapagsimula na ang Pilipinas sa paghahanda sa hosting ng 2019 Southeast Asian Games.
Maliban sa SEA Games, pinaghahandaan din ng national team ang pagsabak sa 2018 Asian Games na idaraos sa Jakarta at Palembang sa Indonesia, 2018 Youth Olympic Games na gaganapin naman sa Buenos Aires, Argentina at sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Nilinaw din ni Carrion na hindi sapat ang court order upang masuspinde ang Pilipinas ng International Olympic Committee.
Mismong ang mga opisyales aniya ng IOC ang nagkumpirma na hindi “government intervention” ang paglalabas ng isang court oder sa POC.
Kamakailan ay nagtungo si Carrion sa Lausanne, Switzerland na siyang headquarters ng IOC.
Sinabi ni Carrion na hindi makikialam ang IOC sa kasalukuyang nagaganap sa POC.
- Latest