MANILA, Philippines — Habang dalawang Filipino world boxing champions ang pumagitna sa taong 2017, naisuko naman nina world eight-division champion Manny Pacquiao at Milan Melindo ang kanilang mga korona.
Hinirang si Donnie ‘Ahas’ Nietes bilang pangatlong Filipino boxer na nagsuot ng world boxing belt sa tatlong magkakaibang weight divisions matapos sina Pacquiao at Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr.
Dinomina ni Nietes si Komgrich Nantapech ng Thailand mula sa kanyang unanimous decision victory para kunin ang International Boxing Federation flyweight crown sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City.
Naunang nagkampeon ang pambato ng Murcia, Negros Occidental sa minimumweight at light flyweight divisions ng World Boxing Organization.
Dahil nagkakaedad na ang 34-anyos na si Nietes ay plano ni ALA Boxing Promotions president Michael Aldeguer na isagupa ang kaliweteng boksingero sa isang unification championship fight sa 2018.
Kasalukuyang nagdadala si Nietes ng 40-1-4 win-loss-draw ring record kasama ang 22 knockouts.
Idedepensa ni Nietes ang kanyang IBF flyweight title laban kay challenger Juan Carlos Reveco ng Argentina sa Enero 16, 2018.
Bukod kay Nietes, naging matagumpay din ang kampanya ni world titlists Jerwin Ancajas sa taong 2017.
Umagaw naman ng eksena ang 25-anyos na si Ancajas matapos magposte ng tatlong magkasunod na title defense para sa kanyang bitbit na IBF super flyweight crown.
Noong Hulyo 2 ay umiskor ang 25-anyos na si Ancajas ng isang seventh-round Technical Knockout (TKO) victory laban kay Japanese challenger Teiru Kinoshita sa undercard ng upakan nina Pacquiao at Jeff Horn sa Brisbane, Australia.
Sa nasabing boxing event ay naisuko ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight belt kay Horn.
Makaraan naman ang panalo kay Kinoshita ay pinasuko ng pambato ng Panabo City, Davao Del Norte si Irish challenger Jamie Conlan noong Nov. 18 sa Belfast, Ireland.
Sapat na ang nasabing tatlong panalo ni Ancajas , may 28-1-1, 9 KOs record.
Sakaling maipanalo ni Ancajas ang naturang tatlong laban sa 2018 ay isang three-fight contract muli ang ilalatag ni Arum sa Filipino boxing sensation para sa 2019.
Ilan sa mga de-kalibreng boksingerong maaaring makatapat ni Ancajas sa susunod na taon ay sina WBO title-holder Naoya Inoue, Roman Gonzalez, Juan Francisco Estrada, WBC king Sor Rungvisia at Carlos Cuadras.
Naagaw ni Melindo ang suot na IBF light flyweight title ni dating Japanese world titlist Akira Yaegashi via first-round TKO noong Mayo sa Tokyo.
Matapos ito ay matagumpay na naidepensa ng tubong Cagayan De Oro City na si Melindo (37-2-0, 13 KOs) ang kanyang korona laban kay African challenger Hekkie Budler noong Setyembre sa Cebu City.
Ngunit noong Disyembre 31 ay nawala kay Melindo ang kanyang IBF light flyweight title matapos matalo kay WBA king Ryoichi Taguchi ng Japan via unanimous decision sa kanilang unification championship fight sa Tokyo, Japan.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag si Pacquiao kung sino ang kanyang lalabanan sa 2018 matapos maagaw sa kanya ni Horn ang hawak na WBO welterweight crown.
Plano ng 39-anyos na si Pacquiao na muling lumaban sa Abril ng 2018.
Ngunit walang nakakaalam kung sino ang maaari niyang labanan.