Pang-world-class talaga ang bakbakan sa Philippine Superliga (PSL).
Grabe ang paluan sa Finals ng F2 Logistics at Petron na umabot pa sa Game Three.
Gumawa ng kasaysayan ang Cargo Movers bilang kauna-unahang team na nakabangon mula sa 0-1 pagkakabaon sa Finals patungo sa pagkopo ng kampeonato ng PSL Grand Prix.
Bilib ako sa fighting spirit ng F2 Logistics. Hindi sila basta-basta sumusuko.
Kahit tinatambakan sila ng kalaban ay hindi sila nawawalan ng pag-asa.
Sa katunayan, halos abot-kamay na ng Petron ang korona noong Game Two nang kunin ang 9-0 kalamangan sa fourth set.
Pero unti-unti itong tinapyas ng Cargo Movers sa pangunguna ni team captain Cha Cruz at dalawang mahuhusay na imports na sina Maria Jose Perez at Kennedy Bryan para makuha ang panalo at maipuwersa ang rubber match sa serye.
Sa Game Three, talagang ibinuhos na ng F2 Logistics ang buong lakas nito para angkinin ang kanilang ikalawang titulo sa PSL.
Saludo ako kay Perez na hindi mo halatang may pinagdadaanan pala.
Isang araw bago ang Game Three ay namatay ang kanyang kapatid na lalaki dahil sa sakit na cancer.
Pero hindi niya ito ipinaalam sa mga teammates niya dahil ayaw niyang maapektuhan ang konsentrasyon nila.
Sinabi niya lang ito after ng Finals.
Kaya pala sobrang emosyonal si Perez nang hatawin nito ang winning point sa Game Three.
Sulit ang pagod ni Perez dahil ito ang itinanghal na Most Valuable Player.
Humanga talaga ako kay Perez kaya bibigyan ko siya ng five star sa kanyang sakripisyo para dalhin ang F2 Logistics sa kampeonato.
Bitter-sweet ang emosyon ni Perez bago bumalik sa Venezuela para makasama ang kanyang pamilya.
Sana ay muling makapaglaro sa Pilipinas si Perez sa susunod na komperensiya.
Siguradong maraming magagandang alaala na babaunin si Perez pagbalik niya sa bansa niya.