MANILA, Philippines — Isang pulong ang itinakda ng PBA Board of Governors sa unang linggo ng 2018.
Ito ay para tuluyan nang wakasan ang hindi pagkakaunawaan ng mga miyembro ng PBA Board kaugnay sa estado ni PBA Commissioner Chito Narvasa at ang pagpapasa ng PBA chairmanship ni Mikee Romero ng Globalport kay Ramoncito Fernandez ng NLEX.
“Hopefully January, magkakaroon ng board meeting but some of the members are asking me just to hold the fort for them and I will try but if somebody comes in already and there’s a new chairman anytime he can come in. I’m just filling for the next chairman,” ani Romero.
Si Romero ang tumatayo ngayong spokesman ng PBA Board.
Sa isang kasunduan ay si Narvasa lamang ang gagawa ng ceremonial toss sa pagbubukas ng 2018 PBA Philippine Cup sa Linggo.
Hindi rin siya maaaring magsalita tungkol sa mga kalakaran sa loob ng PBA.
Ang lahat ng ito ay gagawin ng isang binuong transition team hanggang sa araw ng pagbaba ni Narvasa sa kanyang puwesto sa Enero.
Ang pagpayag ni Narvasa sa trade ng San Miguel at Kia na kinasasangkutan ni Fil-German center Christian Standhardinger ang humati sa mga miyembro ng PBA Board.
Inendorso ng majority bloc, binubuo ng TNT Katropa, Meralco, NLEX, Rain or Shine, Alaska, Phoenix at Blackwater, ang ‘vote of no confidence’ kay Narvasa.
Hindi ito pinahalagahan ng minority group, kinabibilangan ng San Miguel, Barangay Ginebra, Magnolia, Globalport at Kia.