MANILA, Philippines — Inaasahang pagpipilian ng AMA Online Education Titans ang mga magagaling na collegiate stars na sina Alvin Pasaol ng University of the East Red Warriors at Arvin Tolentino ng Far Eastern University Tamaraws bilang top pick sa 2017 PBA D-League Rookie Draft ngayon sa PBA Cafe Metrowalk sa Pasig City.
Ang Titans ang nakakuha sa top pick mula sa 201-man pool na gustong maglaro sa 2018 D-League Aspirant’s Cup na magbubukas sa Enero 18 sa susunod na taon. May kabuuang 13 koponan pa rin ang inaasahang maglalaro sa Aspirant’s Cup.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na pipili ang AMA sa top overall pick kung saan nakuha nila ang dating De La Salle King Archer na si Jeron Teng noong 2016.
Kasama ni Teng sa AMA ngayon ang big man na si Andre Paras na miyembro ng national team na nanalo ng ginto sa basketball event ng 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Agosto.
Ang ikalawang pipili sa order ng drafting ay ang Wangs Basketball-Letran at ikatlo ang Batangas-EAC.
11 sa 13 koponan na maglalaro sa susunod na season ay puro school-based kabilang na ang Zark’s Burgers-Lyceum, Gamboa Coffee-St. Clare, JRU at CEU at ang baguhang Akari-Adamson, Che’Lu Bar at Grill-San Sebastian, University of Perpetual Help Altas at Go for Gold-College of St. Benilde.