MANILA, Philippines — Nagpasiklab agad si national champion Krizzah Tabora matapos pumangatlo sa women’s division makaraan ang first block ng prestihiyosong 53rd Bowling World Cup na ginaganap sa Hermosillo, Mexico.
Nagpagulong si Tabora ng 1,364 pinfalls mula sa impresibong 202, 236, 235, 205, 222 at 264 na ipinamalas sa anim na laro.
Nangunguna si Jenny Wegner ng Sweden na may 192, 300, 224, 227, 248 at 254 para sa kabuuang 1,445 habang pumapangalawa naman si Vanessa Timiter ng Germany na may 1,389 galing sa 230, 236, 225, 184, 227 at 237.
Nasa ika-19 naman si Jomar Jumapao sa men’s division kung saan nakalikom ito ng 1,237 buhat sa 202, 205, 208, 189, 233 at 200.
Nasa unahan si Arturo Estrada ng Mexico na umani ng 1,433 (220, 247, 232, 226, 250 at 258) kasunod sina Luis Montfort ng Catalonia na may 1,394 (257, 258, 243, 175,183 at 278) at Nicola Pongolini ng Italy na nagrehistro ng 1,315 (202, 198, 244, 178, 259 at 234).
Pakay nina Tabora at Jumapao na mapasama sa listahan ng mga Pinoy na nagkampeon sa World Cup.
Magugunitang naghari si Hall of Famer Paeng Nepomuceno noong 1976 sa Tehran, Iran, 1980 sa Jakarta, Indonesia, 1992 sa Le Mans, France at noong 1996 sa Belfast, Northern Ireland habang namayagpag naman noong 2003 si Christian Jan Suarez sa Tegucigalpa, Honduras.
May dalawang Pinay keglers naman ang nagreyna noong dekada 70 - sina Lita Dela Rosa at Bong Coo na nagtala ng back-to-back noong 1978 (Bogot, Colombia) at 1979 (Bangkok, Thailand).