MANILA, Philippines — Inilampaso ng University of Santo Tomas ang University of the Philippines Integrated School, 25-20, 25-10, 25-7 upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa girls division ng UAAP Season 80 high school volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sumulong sa 10-0 rekord ang Junior Tigresses para makamit ang twice-to-beat incentive sa Final Four.
Dalawang panalo na lamang ang kinakailangan ng UST para awtomatikong umabante sa best-of-three finals.
Pinataob naman ng nagdedepensang National University ang Adamson University, 25-14, 25-15, 25-18 para masikwat ang ikalawang twice-to-beat sa semis.
Umangat ang Bullpups sa 8-1 kartada habang lumasap ng ikawalong kabiguan ang Baby Falcons sa 11 laro para tuluyang masibak sa kontensiyon.
Sa boys’ class, nanaig ang reigning' titlist NU sa Adamson, 25-5, 25-15, 25-4 habang namayani ang Far Eastern University-Diliman sa Ateneo, 28-26, 25-13, 25-22.
Ang panalo ang nagdala sa NU at FEU-Diliman sa sosyong liderato hawak ang parehong 9-2 kartada.
Sa iba pang resulta, wagi ang UST sa UPIS, 25-13, 25-17, 25-14 habang nanaig ang University of the East sa De La Salle-Zobel, 25-19, 25-17, 25-18.
Nakatali ang Junior Tiger Spikers at Junior Warriors sa No. 3 spot hawak ang magkatulad na 8-3 para mas maging kapana-panabik ang bakbakan para sa dalawang twice-to-beat slots sa Final Four.