We are PBA
Nahati na ang PBA.
Kumabaga sa pulitika, may malakas na oposisyon.
At nasa gitna ng labanan si commissioner Chito Narvasa.
Malakas ang argumento ng grupo na kinabibilangan ng sister teams mula sa MVP Group na TNT Ka Tropa, NLEX at Meralco, kasama ang Alaska, Rain or Shine, Phoenix at Blackwater.
Tawagin natin silang Magnificent Seven.
Nasa kabilang grupo naman ang SMC teams na San Miguel Beer, Ginebra at Star, kasama ang GlobalPort at Kia.
Sila naman ang PBA Five.
Sinibak ng Magnificent Seven si Narvasa matapos ang isang meeting at botohan na hindi naman dinaluhan ng PBA Five.
Ang dahilan? Loss of confidence. Wala na raw silang tiwala kay Narvasa.
Ang trade ng SMB at Kia ang huling mitsa. Umalma ang Magnificent Seven sa trade na kung saan nakuha ng SMB ang top pick na si Christian Standhardinger kapalit ang tatlong butaw na players.
Pumalag ang PBA Five dahil hindi raw ligal ang proseso na ginawa sa pagsibak kay Narvasa.
Nakakapit ngayon sa manipis na sinulid ang PBA.
Pag napatid ito, tapos ang game ko.
May PBA board meeting na magaganap sa America next week at dapat nila itong ayusin.
Matatanda na kayo.
- Latest