PSL tankers overall champions

Ang mga Most Outstanding Swimmer awardees kasama sina PSL President Susan Papa, Sec-Gen Maria Susan Benasa at coach Alex Papa.

MANILA, Philippines — Napasakamay ng Philippine Swimming League (PSL) ang pangkalahatang kampeonato matapos humakot ng 34 kabuuang gintong medalya sa 2017 Buccaneer Invitational Swimming Championship na ginanap sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.

Sa huling araw ng kumpetisyon, nakasiguro pa ang Pinoy tankers ng 17 gintong medalya.

Nanguna sa ratsada sina Marc Bryan Dula ng Wisenheimer Academy at Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque na nagrehistro ng bagong rekord sa kani-kanilang events.

Namayagpag si Dula sa boys’ 9-10 100m butterfly sa bilis na 1:15.58 para tabunan ang 1:15.99 na lumang marka habang naglista naman si Mojdeh ng 1:07.85 sa girls’ 11-12 100m butterfly na siyang bumasag sa dating rekord na 1:07.88.

Wagi rin ng ginto sina Aishel Cid Evangelista sa boys’ 8-under 50m freestyle (31.57) at 100m IM (1:28.40), Aubrey Tom sa girls’ 9-10 100m IM (1:15.53) at 50m freestyle (31.12), Kyla Soguilon sa girls’ 11-12 50m backstroke (32.09), 50m freestyle (29.21) at 100m IM (1:12.01), Richelle Anne Callera sa girls’ 8-under 50m butterfly (40.08), Master Charles Janda sa boys’ 8-under 25m backstroke (19.36) at 50m butterfly (39.20) at Triza Tabamo sa girls’ 9-10 50m backstroke (36.55).

Ang iba pang ginto ay mula sa boys’ 8-under 100m medley relay, girls’ 9-10 200m medley relay, boys’ 9-10 200m medley relay, girls’ 11-12 200m medley relay at boys’ 11-12 200m medley relay.

Maliban sa 17 ginto, nakahirit din ang PSL squad ng 12 pilak at 12 tanso.

Sa kabuuan, uuwi ang delegasyon tangan ang 34 ginto, 19 pilak at 21 tansong medalya.

Siyam na Pinoy tankers din ang ginawaran ng Most Outstanding Swimmer awards sa kani-kanilang dibisyon.

Ito ay sina Dula (boys’ 9-10), Mojdeh (girls’ 11-12), Tom (girls’ 9-10), Tabamo (girls’ 9-10), Callera (girls’ 8-under), Soguilon (girls’ 11-12), Thruelen (boys’ 11-12), Janda (boys’ 8-under) at Evangelista (boys’ 8-under).

Show comments